TITILA RIN ANG ULAN | @joreneagustin
Sa bintana’y nakatanaw
Tulala at nangungulila sa
liwanag ng tala at buwan
Nagbabakasakaling makita ito sa kalawakan
Ngunit sa aking pagbukas
bumungad ang malamig na simoy ng hangin, niyakap ang sarili’t kalmadong pinagmasdan
ang kanina pang pagbagsak ng ulan
Kailan kaya ito titila?
Kailan kaya mawawala?
Kailan kaya magpapakita ang tala,
Ang liwanag nito kasama ang buwan
Ngunit bakit kailangan pang hintayin
ang pagtila ng ulan
Kung pwede namang ito’y hayaan na lang
Nakakagaan din sa pakiramdam ang makita ang bugso ng kalangitan
Napupuno, at hindi laging may dalang lampara na minsan,
kahit sa pag-ulan naipapabatid ang lungkot na kanyang nararamdaman.
Kailan kaya titila ang ulan?
Kailan kaya mawawala ang bigat ng nararamdaman?
Kailangan pa ba ang pagtila?
Kailangan pa bang mawala?
O hahayaan na lang manaig ang nararamdamang ito?
Kalmado din naman ang isip at puso
Kahit ilang butil ng luha
ang kumawala
Sapagkat
Maaring rumagasa, malamig at lumakas
Ngunit sa huli, titila rin at magwawakas...
Magwawakas ang tila ba’y ulan sa nararamdaman at muli na namang makikita ang tala at buwan
na sa iyong mata lamang masisilayan.